Friday, February 11, 2005

mama

minsan, gusto ko maging mas mabuting anak sa nanay ko. pakiramdam ko kasi na habang tumatagal ay napapalayo ang loob ko sa mama. mahal ko ang nanay at ang mama ang buhay ko. pero may mga pagkakataong hindi lang kami magkaintindihan. ngayong mga nakalipas na araw, naging mas malapit kami ulit pero parang nagbibiro din ang pagkakataon. pinagagawa ni mama ang bahay namin sa bulacan. mag-isa lang siya doong nagbabantay sa bahay at hindi siya makauwi dahil may mga gamit kaming nakaiwan doon. nakikita ko ang pag-aalala niya sa napakaraming bagay. kailangan kasi naming umutang sa pinsan ko para matustusan ang pagpapagawa. maliban doon, kailangan din ng mga taong magtatrabaho sa bahay. kailangan din ang mga materyales at transpo na magdadala ng mga iyon sa bahay. at kailangan ng magbabantay. at lahat iyon, si mama ang nag-aasikaso. minsan ay tinanong niya ako kung pwede ba akong magbantay ng bahay dun sa bulacan pag nagsimula na ang construction. ang sabi ko, "titingnan ko po." at nung lumaon nga ay di na ako nakatupad sa mga sinabi ko. inihahanda kasi namin yung activity para sa feb. hindi naman ako talaga in charge doon pero nagprisinta akong tumulong. ngayon, kailangan kong umuwi sa qc dahil walang computer sa bulacan. at nandun si mama ngayon, nagbabantay mag-isa ngayon. pakiramdam ko kung minsan, wala akong kwentang anak. noong lunes ako umalis doon at kagabi lang ako bumalik. nagkwento si mama na naninibago daw siya roon at nahihirapan siyang matulog. kanina lang, nagtext siya na di ulit siya makatulog dahil malamig. kung naroon lang ako, sana, nayakap ko siya para di siya ginawin. wala pa kasing kama doon at sa sahig ng second floor lang siya nakahiga. at medyo tumatagos din ang lamig sa comforter na ginamit niyang sapin. wala siyang libangan doon. walang radyo, walang tv. siya lang. at sa kabila ng lahat ng ito, nakuha niya pa akong itext ng, "anak, mag-iingat ka diyan ha. ayos lang ako dito. sa sabado ka na umuwi para matapos mo yung inaasikaso mo. at sana matapos mo na yung thesis mo. regalo ko sa iyo itong bahay para sa graduation mo." sana, naging mas mabuti akong anak.

tumatanda na rin si mama at nakikita ko na rin sa mukha niya ang pagod (at siguro, ang kalungkutan). minsan nababanggit niya na pagkatapos niyang magretire (3 taon mula ngayon), babalik na lang siya sa probinsya para alagaan ang lolo at lola ko. kapag nasa bahay kami ng pinsan ko, nakikita ko sa mga ngiti ni mama tuwing inaalagaan niya ang mga pamangkin ko. siguro, hinahanap niya ang pagkabata ko.

mahal ko si papa pero kung minsan, gusto ko siyang sisihin. kung nandito lang siya, di sana'y may kasama si mama. pero ganun talaga at wala na akong magagawa para baguhin yun. ang magagawa ko na lang ay ang tustusan ang kung ano mang wala ngayon. kaya't pangako ko sa sarili ko, na kapag panahon ko na, i'm going to be the best father in the world. gusto ko maparamdam sa mga anak ko kung anuman yung mga hindi ko naranasan kay papa. gusto kong maibalik sa kanila ang pagmamahal ni mama sa akin.

bukas, uuwi ako sa bulacan para may kasama si mama.

No comments: